Araw at Buwan

Araw at Buwan ni Nazrene Leysa

Ikaw at ako ang Araw at ang Buwan,
Naghihintay ng isang duyog.
Malayo tayo sa isa’t isa,
Ngunit malapit ang puso nating durog.

Tumitingala lang ang mga tao,
Sa kagandahan ng ating sikat at ilaw.
Akala nila’y tayo’y masaya,
Subalit labas lang ang kanilang natatanaw.

Lahat ng matang puno ng kalungkutan,
Ay may kwentong tinatago.
Lahat ng ngiting ipinapakita,
Ay may luhang tumutulo.

Hindi nila alam na noo’y,
Tayong laging magkasama,
Mga kamay nating magkawingin,
Mga mata nating puno ng ligaya.

Ako ang araw na puno ng sinag,
ikaw naman ang buwang puno ng dilag,
At naniniwala tayong walang makakakuha,
Ng namumuo sa ating hiwaga.

Ngunit bakit ang sama ng Tadhana,
Bakit kailangan tayong ipaghiwalay?
Na wari bang sinasabihan tayong,
Ang kukulit niyo, hindi kayo bagay!

‘Di natin namalayang,
nabalot na tayo sa isang enkantada.
Na sa tuwing lalapit ako sayo,
Ika’y lalayo, mawawala ng bula.

“O Tadhana, bakit ganito?
Bakit mo kailangang ipagkait,
Ang kasiyahan naming dalawa,
At ang mga alaalang walang bahid ng pait?

Paano mo nga ba nasabing,
Hindi kami para sa isa’t isa,
Kung siya ang aking ilaw sa dilim,
At ako naman ang sa kanya?”

Imulat ko raw ang aking isip,
Sa katotohanang nariyan lang sa tabi ko,
Ngunit, paano ko ba iyon magagawa,
kung ikaw lang sa buhay ko ang totoo?

Datapwa’t hindi tayo sumuko,
At ipinagpatuloy ang paghahabol,
Sa sakaling maabutan ang isa’t isa,
Sa pagkakataong maaayos ang buhol.

Sa wakas sinagot ng tadhana,
ang ating walang sawang hiling.
Pinayagan tayong magkasama,
Kaya tayo’y muling magkapiling.

Ngunit hindi iyon ganoon kadali,
Dahil mga kamay nati’y tinanggal muli.
Lumalayo ka na naman sa aking paningin.
O, mga panalangin ko’y sana’y dinggin!

Hindi ko na nakayanan,
Ang bigat ng aking saloobin.
Bumuhos na aking mga luha,
Dala ang kalungkutan at hinaing.

Sapagkat napansin ko ang resulta,
Ng aking pagkadismaya.
Lahat ng tao sa tabi ko’y apektado,
Pati ang mga lupa’y gumuho.

Tumigil ako sa pag-iyak,
At pinagmasdan ang aking ginawa.
Namuo ako ng panghinayang,
Lahat ng lungkot ko’y nawala.

Muli kong inilabas ang aking sinag,
At nakita ko ang pagbabago.
Mula sa takot at kaba,
Sila’y ngumiti, lungkot lumaho.

O Tadhana ito ba,
ang iyong ibig sabihin?
Kaya mo ba kami ipinaghiwalay,
Dahil may mas karapatdapat ng aming piling?

Naiintindihan ko na kung bakit,
Kailangang ipagkait ang ating ligaya.
Hindi dahil hindi tayo bagay,
Ngunit dahil may mas kailangang sumaya.

Pero hindi ko lubos maisip,
Na pag-iibigan nati’y kailangang isakripsiyo,
Tayo lang ba ang nagbibigay liwanag?
Tayo lang ba ang may kakayahang ganito?

Sana nga’y may kahalagahan,
Ang pagkawalay natin sa isa’t isa.
O Buwan, hindi mo alam kung gaano ko,
Inaasahan ang muli nating pagkikita.

Ako ang iyong Araw,
At ikaw naman ang aking Buwan.
Naghihintay tayo ng isang duyog,
Kahit aabutin tayo ng magpakailanman.

 

© 2016 Nazrene Leysa

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s